×

Warning

JUser: :_load: Unable to load user with ID: 62

Jolina Magdangal confirms breakup with Bebong Muñoz but keeps mum on the reason

Rate this item
(0 votes)
Jolina Magdangal and Bebong Munozby Rose Garcia
Philippine Entertainment Portal, Jan. 5, 2009

Unang lumabas dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang kumpirmasyon, sa pamamagitan ng ama ni Jolina Magdangal na si Mr. Jun Magdangal, na break na nga ang anak niya at ng boyfriend nito of eight years na si Bebong Muñoz.

Kahapon naman, ika-4 ng Enero, sa Showbiz Central ay ekslusibong nakapanayam ni Raymond Gutierrez si Jolina, na sinegundahan ang sinabi ng kanyang ama.

Aniya, "Totoo po...totoo yun na wala na kami. At saka, yung pagkakakuwento ni Daddy, hindi naman siya nagkuwento ng agad-agad. Tinanong muna ako ni Daddy kung dapat ko ngang sabihin. So, sabi ko, sige na nga, para na lang matapos na yung... Kasi, yun naman talaga ang pinakatanong nila, e, 'Totoo bang break o hindi?' So, ako na po ang nagsasabi, totoo po."

Gayunpaman, tila hindi naman iniinda ng host-singer-actress ang mga problema nito sa love life. Sa Kapuso musical-variety show na SOP, hindi nakitaan ng anumang problema si Jolens sa kanyang performance.

"Siguro para naman sa akin, yung pagiging extrovert ko," ang panimula ng 30-year-old star, "doon nakikita ng mga tao na kapag marami akong kasama, parang bigla na lang na, kung nalulungkot ako, bakit ko sila ihahawa? Bakit ko sila isasama pati sa lungkot ko? Kapag kasama ko yung mga tao, kapag nasa work, work.

"Kahit mga ganyang kuwentuhan lang, kung hindi ko talaga kaya na mabigat na mabigat talaga ang loob ko, aalis ako. Hindi ako yung, 'Guys, malungkot ako!' Gusto ko pa rin na kung masaya sa paligid ko, masaya kami. So, noong time na yun na may mga pinagdadaanan ako, kapag hindi ko na lang kaya, nasa bahay ako, nagpi-pray ako."

Maging ang mga kasamahan daw nito sa trabaho ay nagulat sa balita. Ang kuwento pa ni Jolina, "Yung mga friends ko sa Unang Hirit, talagang nagulat nga sila kasi, hindi talaga nila ko nakitaan ni katiting..."

Isinalaysay rin ni Jolina kung paano niya sinabi ang kinahinatnan ng relasyon nila ni Bebong sa kanyang pamilya. Nagulat nga raw sila, pero hindi nangulit.

Ang mahabang kuwento niya: "Yung parents ko naman kasi, hindi naman kasi sila yung mga typical na... Kumbaga, hindi sila nakikialam. Kahit sino sa aming magkakapatid, kapag may mga personal kaming mga bagay na alam nila or pakiramdam nila kaya naming i-handle, hindi sila nakikialam. Unless, dumiretso kami at nagsabing, ‘Mom, Dad, please help me.' Pero hangga't tahimik kami, hindi sila yung mausisa.

"Kaya nagulat din sila, kasi noong magpunta sila ng Tagaytay—December 26 nang umakyat sila hanggang 2—‘tapos ako, 28 lang ako umakyat. Kasi, ang ginawa ko, naglinis ako ng kuwarto. Never, never akong naglinis ng kuwartong mag-isa. Never akong nagbungkal at nag-polish, lahat ginawa ko. Kahit naiisip ko pa lang ang alikabok, e, sinisipon na ako. Pero naisip ko, kailangan kong maglinis ng kuwarto, yun lang. Kailangan kong ayusin ang mga gamit, lahat! ‘Tapos noon, [December] 28, umakyat na ko ng Tagaytay at saka ko lang sinabi."

Gaya ng naunang pahayag ni Daddy Jun, hindi palakuwento si Jolens tungkol sa kanyang love life, at ito'y inayunan naman ng Dear Friend host.

"Kasi nga, hindi ako nagkukuwento. Kapag humaharap ako sa kanila, okey lang. Sabay kaming kumakain. Nagulat sila, pero hindi sila yung ‘O bakit, ba't ganito? Ba't ganyan?' Tinanong lang nila, 'Kailan nag-start, kailan nag-end?' So, hindi na sila nagtanong. Parang alam na nila na, ah, okey, yung pagitan na yun, nakapag-usap na sila ng maayos."

At malaking pasasalamat ni Jolina na binigyan siya ng space noong kailanganin niya ito.

Ang sabi niya, "Yun ang maganda run na ginawa nila at ng mga kaibigan ko... na gusto ko talagang mag-thank you sa respect na ibinigay nila, sa time and space na kinailangan ko.

"Hindi sila nangulit... Sa totoo lang, parang ako pa nga yung... Siguro tumatakbo sa utak nila, 'Ano'ng nangyari? Ano?' Pero hindi mo sila makikitaan na pursigidong mag-usisa. Kaya yun."

Malungkot man ang naging ending ng kanyang 2008, positibo pa rin ang pananaw ng dalaga sa taong darating.

Ayon kay Jolina, "Yung new year, inisip ko na lang, magtu-2009. Yung 2008 medyo difficult din para sa akin. Lalo na itong pa-end, di ba? So, para rin kay Bebong yun....difficult din for both of us individually and as a couple. Pero ayokong dalhin yun [sa] 2009 kaya inilalagay ko sa Facebook [status], 'I'm excited sa 2009.'

"Siyempre, kahit ba masakit sa loob ko, kailangan kong maging positive, e. Para dalhin ko na lang din sarili ko. Tutal wala naman akong ibang kinuwentuhan. Kailangan kong matutong dalhin ang sarili ko dahil siyempre, ayokong magpaka... Down ka na nga, tapos aanuhin mo pa sarili mo.

"Makikinig ka ng music, ang lamig-lamig. Kulang na lang, gumagano'n ka sa wall... Sa akin, ang 2009, bagong buhay. Kumbaga, masarap gumising sa umaga. Yun na lang ang iniisip ko para naman gumaan ang loob ko."

Hindi na tinanong ni Raymond ang dahilan ng breakup. At hindi rin daw papaapekto si Jolina sa sasabihin ng mga tao. Ang gusto lang ng aktres ay "think and stay positive."

Aniya, "Siguro naman, kahit sinong nagkaroon ng ganoong klase ng paghihiwalay at ganoon kahaba ang pinanggalingan. Kahit sino ay gusto lang maging positive. It's either move on or work it out. Basta gusto ko lang, maging positive. Ayoko nang makinig pa sa sasabihin na mga tao na, 'Siguro kaya nag-break kasi ganyan-ganyan or chuva-chuva.' Ayoko na. Tama na.

"Sa akin, itinago ko ‘to sa sarili ko kasi para sa akin, hindi siya biro na mangyari. At saka siyempre, respeto rin sa ibang tao. Sa family ko, sa family ni Bebong, yun na lang. Yun lang po. Totoo po at yun lang po ang maisasagot ko."

Bilang panghuling mensahe, heto ang tinuran ni Jolina:

"Sa lahat ng mga nag-text at nagbibigay ng support at saka ano... Sa totoo lang, sa ngayon, medyo ano pa po ako... Gusto kong mag-thank you sa lahat. Pero hindi ko pa po siguro mae-express masyado kung gaano ako ka-thankful sa support n'yo, pero, medyo ano pa ko, manhid. Minsan nga kapag napag-uusapan, parang nahihilo pa ko. Parang nagdidilim pa ang paningin ko. Pero yun, thank you."

Read 1441 times

BOOK TICKET

Book YourTickets Now!

Write to us at mail or phone.
You can also contact us through the site.

Newsletter

© Pinoy Tiketek, All Rights Reserved.

Search